Si Edgar Calabia Samar

Si Edgar Calabia Samar ay isang manunulat, guro, at mambabása ng mga akdang kagila-gilalas. Isinilang siya at lumaki sa Lungsod San Pablo na nagparangal sa kaniya bílang Outstanding San Pableño noong 2016. Kinilala na rin ang kaniyang mga akda ng Palanca, Man Asian Literary Prize, PBBY-Salanga Writer’s Prize, NCCA Writer’s Prize, Gawad Komisyon sa Tula, Gantimpalang Collantes, National Children’s Book Award, at National Book Award. Nakapagbigay na siya ng mga panayam sa panitikan, malikhaing pagsulat, wika, pagsasalin, at kulturang popular sa iba’t ibang panig ng Filipinas mula Batanes sa Hilagang Luzon hanggang Lungsod Zamboanga sa Katimugang Mindanao, gayundin sa labas ng bansa, tulad ng China, Thailand, Japan, United Kingdom, at Estados Unidos, na nag-anyaya sa kaniya noong 2010 bilang writer-in-residence sa International Writing Program ng University of Iowa. Kasalukuyan siyang nakatira sa Lungsod Marikina at nagtuturo sa Pamantasang Ateneo de Manila.

Tungkol sa Artsibo

Isang sinúpan ang artsíbo––lágákan ng mga bagay na maaaring pakinabangan. Subalit hindi mahahawakan ang lahat sa napakaliit na mga palad. Ano-ano ang talagang kinakailangang panatiliin––ano-ano ang kailangang iligtas mula sa mga tiyanak ng paglimot? Isa itong personal na artsíbo: naririto ang aking mga akda at gawain bílang manunulat, guro, at mambabása na karaniwang nagsisiyasat sa mga hulagway at salaysay natin ng kagila-gilalas. Makapangyarihan at lubhang impluwensiyal sa akin ang pagmamalay sa kagila-gilalas dahil sa kakayahan nitong ihatid ako sa mga sandali ng pag-aalinlangan. At sa palagay ko, napakahalaga ng mga pag-aalinlangan upang hindi ako mapanatag, manatiling mapagmatyag, at patuloy na kumatha ng mga bagay na nawa’y magtulak din sa iba sa mga landas ng kagila-gilalas. Maglalaman ng bagong materyal ang artsíbong ito nang dalawang beses sa isang linggo––tuwing Huwebes at Linggo––tulad ng ilang komiks na kinalakihan ko noon na inspirasyon ng disenyo nitong website na binuo ni Mervin Malonzo. Subaybayan sana ninyo.

Maaaring ito nga ang pagkahulog na sadyang nagtutulak sa tao upang mabuhay: ang buhay mismo bilang walang-hanggang-paghuli sa kahulugan. At ang nobela bilang isang pagsasanay para roon.

May tatlong nobelistang Filipino na naging inspirasyon sa pagsusulat ko ng Walong Diwata ng Pagkahulog. Nang una ko silang mabása sa kolehiyo, alam ko nang hindi maaaring hindi rin ako magsulat ng nobela.

Nagsimula ang lahat sa isang totoong pangyayari. Nasa Boracay ako noong 2005 nang mangyari ang hindi ko inaasahan na naghatid sa akin sa pagsusulat ng mga unang tagpo sa nobela kong Walong Diwata ng Pagkahulog.